Martes, Oktubre 23, 2018


Wikang Filipino: Bilang Wikang Pantulong sa Akademya
 ni: Jonel Catimbang

Batay sa Konstitusyong 1987, Artikulo 14 Seksyon 6-9 na ang Filipino ay ang opisyal na wikang pambansang ng Pilipinas, malinaw rin na ito ay dapat gamitin, paunlarin at pagyamanin sa pamamagitan ng paggamit nito sa buong kapuluan.
Ang wikang Filipino ay pinagyaman sa pamamagitan ng paggamit nito sa paaralan, sa iba’t ibang larangan at disiplinang pangkalinangan. Isa na rito ang paggamit nito sa mga asignaturang English, Math, Science at Araling Panlipunan bilang wikang pantulong sa pang-akademyang asignatura.
Ayon sa talumpati ni Dr.  Rosales mula sa aklat ni Carpio (2012 pg.46), Ipinahayag rin ng mga sikolohista na ang Filipino ang wikang gustong gamitin ng mga bata sapagkat mas higit nila ito nauunawaan at malinaw silang nakakapapahayag ng damdamin. Nagkakaroon ng kaalamang pandama o perceptual knowledge na kung saan mas higit na mabilis ang pagkatuto sa pamamagitan ng paggamit ng wikang nakasanayan.
Ang mga gurong nagtuturo ng Ingles ay mismong nagpahayag na isinasalin nila ang kanilang panutong Ingles patungo sa Filipino, ganoon na lang din sa kanilang pagpapaliwanag (Carpio, 2012).
Ipinahayag rin ng mga mag-aaral ang kanilang saloobin sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang pantulong sa Akademya “ Magandang pamamaraan ang paggamit ng Filipino sa pagtuturo upang mapaunlad at tataas ang antas ng pampagkatuto sapagkat naipapahayag namin ang aming sariling kaisipan”.
Pinatutunayan din ito ni Berongoy (2016) sa kanyang pananaliksik na may pamagat na “Ang Impluwensya ng Wikang Filipino bilang Pantulong na  Panturo sa mga Asignaturang Itinuturo sa Wikang Ingles” base sa resulta ng kanyang pag-aaral, lumabas na madalas ginagamit ang wikang Filipino sa bilang wikang pantulong sa pagtuyturo ng mga asignaturang itinuturo sa Ingles katulad ng Science, Mathematics, English, TLE at MAPEH, ipinahihiwatig lamang nito na  ang wikang Filipino ay nakakatulong sa pag-angat ng pampagkatuto ng mga mag-aaral.

Sa kabuuan, ang wikang Filipino ay naging tulay sa mataas na pagkatuto ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng mga guro, sa pagbibigay panuto, pagpapaliwanag, pagsagot sa katanungan sa iba’t ibang asignaturang itinuturo sa wikang Ingles.


Hindi “Po” at “Opo”: Kulturang Pagkakakilanlan
 ni: Jonel Catimbang

Nabuhay ang tao ng may sariling pagkakakilanlan, maaaring nakaugat ito sa wika, panitikan, kagawian, paniniwala, tradisyon at kultura. Ang mga ito ay humahabi sa kung papaanong kaparaan sila mamuhay. Sagisag ito ng pagiging natatangi ng bawat tao.
Isang kasabihan ang aking narinig tungkol dito. “Bakit pinagpipilit sa amin ang hindi naman naging amin”. Napagtanto ko na ito pala ay tama’t totoo.  Isang halimbawa nito ay ang pagpasok ng kulturang Tagalog sa kulturang Cebuano, isa rito ang paggamit ng “Po” at “Opo” sa pakikipagtalastasan. Naalala ko pa nga kung papaanong pinagsabihan ako ng aking pinsang Cebuano na ilang taon nang nakisama, nakipagtalastasan at nakipagsapalaran sa pangkat ng Tagalog sa Luzon. Ani pa niya’y “Gumamit ka naman ng opo at po kung magsasalita ka sa mga nakakatanda” tama naman ang kanyang punto sa ibig niyang ipakahulugan sa kanyang sinabi, siunalit may maling punto lamang ang nagbigay sa akin ng liwanag tungkol sa paggamit ng opo at po na hindi kailanma’y ginamit  ko at hindi kailama’y  naging bahagi ng aking kultura.
Oo, alam ko ang salitang paggalang, ngunit ang hindi ko alam ay kung bakit ipinagpipilit sa akin ang hindi ko naman nakasanayan. Bakit ipinagpipilit sa akin ang hindi naman bahagi ng aking pagkakakilanlan. Bakit pa ba ipinagpipilit? Kung ako nama’y may sariling istilo ng pagsasalita na makikitaan naman nang tanda ng paggalang.
Ang punto ko ay huwag ipilit sa akin ang “po at opo” dahil mayroon akong istilo na kakaiba sa pagpapahayag ng aking paggalang, katulad na lamang nito; “Naa diri sa akoa” o “Naa diri sa akoa te” -binibigkas ng mabilis o pabagsak subalit palambing na nakangiti, wala sa aking kultura ang po at opo subalit  malinaw naman ang tono ng pagsasalitang may paggalang o di kaya’y makikita ang paggalang sa paggamit ng salitang te,ya,kol,la at lo.
Isa pa rito, ang komunikasyong berbal na ginagamit ko sa bahay na naging bahagi na ng aking pagkakakilanlan ay ang pagmamano o “amin”. Sinasalamin lamang nito na magalang pa rin ako bilang isang Cebuano kahit hindi ko pa gagamitin ang opo at po ninyo. Isa lamang itong patunay na mayroon akong sariling kultura na kung saan ako lang ang nakakaalam sapagkat ako lang din ang nakakaunawa.
Kumbaga, kahit sabihan pa akong hindi magalang dahil sa hindi paggamit ng po at opo, huwag ka! Ako lang ang nakakaalam kung paano ako naging magalang.



Maikling Pagsasadula
PABOR-RITO

ni: Jonel Catimbang


Wawie: Hello? Bunso, ay hello! ay hello! ate magpapadala pala ako ng pera 50,000 para sa bahay at  10 libo sa tuition at allowance ni bunso,  bale 60 libo lahat at ang maiiwang pera ay para kay mama para sa kanyang maintenance na amut at check-up.

Ai: Hahahahahaha!, 50,000 sa bahay, 10,000 kay bunso 60,000? Eh! 30,000 lang sa bahay at 5,000 kay bunso. Ayos na’yun!

Jonel: Hay! naku! Ang daming bayarin  sa school, tuition fee na 10,000. 5,000 sa isang subject dumagdag pa ang CTE sa bayarin . Naku! Naku! 15 libo lahat sana magpadala na si bruhita ng pera.

Ai::Uyy! bunso nandiyan kana pala, may goodnews ako sayo.

 Jonel: Hay! Salamat, ano naman yan ate? Nagpadala naba si ate mawie ng pera kailangan ko na as soon as posible!

Ai: OO bunso, 35 libo lang eh, limang libo lang para sayo.

Jonel: Ano? Ate? ang liit naman, kinakailangan ko ng 15 libo yun lahat ng babayaran ko sa school. Naku! Naku! Paano na iyan?. Kuripot naman ng bruha.

Ai: Oh! Eto, dadagdagan ko nalang ng limang libo, bale 10,000 lahat ha. Magogrocery ako ano ba ang mga kailangan mo ng maisabay ko na dadaan ako ng Watsons para mabili ang isang set ng beauty products ng frontrow, hay! gaganda na naman ako nito.

Jonel: Sa hinaba- haba ng panahon ngayon ka pa nagbigay ng pera para idagdag sa allowance ko. Hmmm! sayo ba talaga yan galing o baka naman.  hahaha…….sige alis nako. Iiwan ko nalang yung listahan sa table.

Wawie: Tao po? Tao po? Hay! Naku! parang wala naman atang tao, eh! ako ata ang masusurpresa.

(dumating ang bagong porche na kotse)

Ai: Pip…pip… sino ba tong haharang-harang sa daan? Kaembyerna Hoy! papakamatay kaba?

Wowie: Sis! It’s me don’t you recognize me? It’s me mawuie.
 Ai: Ah! Ah! ate? Ah, we- we- welcome home! Ba’t ‘di ka man lang nag message sa akin na darating ka na pala ngayong araw nasundo sana kita.
Wowie: Where’s ma?

Jonel: May bwesita pala tayo? Ate ai! May bago kang kotse? Dumating na pala ang nagmamagaling kong kapatid? Welcome home!

Wowie: Bunso, namiss kita, marami akong pasalubong sayo.

Jonel: Pagod ako! Pagod ako! akyat muna ako!.

Wawie: Sis, saan na ‘yung sinasabi mong nabili mong lupa at bahay para sa bakasyunan natin? At ‘yung mga gamot ni mama ang mahal, eh! nakita ko sa mga resibo  tag-one one thousand lang naman pala sabi mo umaabot sa 10,00 yung gastos mo sa maintenance ni mama.

Ai: ah! kasi ate ano, kinkwentahan mo ba ako?
Jonel: Bakit hindi ba totoo ate?
Wawie: anong ibig mong sabihin bunso?
Jonel: Huwag mo akong matawag-tawag na bunso!
Ai: Huwag kang sumali-sali Jonel dahil hindi ka kasali sa usapan ng matatanda wala kang modo.

Jonel: Bakit ate hindi ba totoong kinukupitan mo ang perang pinapadala ni ate mawie sa atin!
Ai: Bakit saan ang ebidensya mo, Hindi ba ikaw, yung perang binibigay ko sayo  nilalakwatsa mo ha, huwag mo akong maduro-duro
Jonel: Hah! naghahanap ka nang ebidensya,  ohh ito resibo!  galing sa RD, PALAWAN, ML LHUILER, LBC, WESTERN UNION , METRO BANK, CHINA BANK, AT JRS.
Ai:  Huwag mo akong mabintang-bintangan.

Wawie: Tama na! Parang hindi tayo magkakapatid! Ikaw Ai, manloloko ka, Bruha ka! wala kang utang na loob mandurugas matapos mong magpabuntis diyan sa boyfriend mong adik, ako ang gumastos pati sa pag aaral ng anak mo, wala ka na ngang ibang trabaho kundi bantayan si bunso, si mommy at budyetin ang perang pinapadala ko buwan buwan na pinaghirapan ko gaganituhin mo pa ako.

Jonel: Bakit ate? sino bang may sabi sayong mag-abroad ka at magpakabayani ka sa pamilyang ito, tapos susumbatan mo kami, hindi mo alam kung anong hirap ang dinanas kong itaguyod at alagaan si mama dahil wala parati si ate Ai nandoon sa boyfriend n’yang bago,nakikipaglandian.

Ai: Ikaw bunso, iyang bunganga mo parang pwet ng manok, putak  nang putak, at ikaw naman ate alam mo bang pag-alis mo sobrang hirap kami dito mas kailangan namin yung presensya mo kaysa sa putang *na mong pera.

Wawie: Punyeta ka! wala kang modo ang kapal kapal ng mukha mo.

Jonel: Sige magbilangan tayo ng mga nagawa natin sa pamilyang ito, utang na loob ba kamo ate Ai . Bakit nung bumukaka ka,  sino ang tumulong sayo noong naghihirap ka? Diba, ako hindi n’yo inisip ‘yung kalagayan namin ni mama, may sakit din ako noong panahon na iyon, hindi lang kayo ang may problema .
Ikaw ate Wawie dahil sa pag-alis mo nagkanda leche-leche ang pamilyang ito pati lupang sakahan natin na naipundar ibenenta mo para dyan sa pag-abroad-abroad mo. Oo na! ikaw na ang magaling, ikaw na ang matalino, ikaw na talaga dahil sa inyo hindi ako nakapagtapos ng pag –aaral tingnan ninyo hanggang ngayo grade 6 parin ako.

Ai: Hah! aba nagsalita nagsalita ang paboritong anak ng nanay ko, kunsabagay bunso, eh! pag bibigyan. Bakit Jonel pinabayaan ba kita hah? Dahil kung gugustuhin ko lang hindi na kita inabunuhan ng perang pinapadala ni ate Mawie. Oo! Bumukaka, nagpakasarap, inanakan at iniwan wala kang pakialam dahil buhay ko ito .
Ikaw ate Mauie, letse ka matapos mong dinala sa abroad lahat ng perang nanggaling sa sakahan, hindi mo kami iniwanan, ni singkong duling bago ka umalis kaya bumukaka ako para makakain kami.

Wawie: Saan na ang cash card ang password ibalik mo sa akin, binibilingan mo ako ng pera bakit hindi pa ba sapat ang perang pinapadala ko para makabawi. Ikaw bunso, ikaw ang laging paborito ni mama, ikaw ang laging may bagong damit, school uniform at laruan kami, ako wala… wala… dahil nasa iyo lahat ng atensyon mabuti pa nga na ako ang magkasakit eh hah!.  Ikaw Aii impokrita ka di ako nagkulang sa pagpapadala hindi mo lang man inisip kung anog hirap at sakit ang naranasan ko don sa New York, hindi na nga ako nakapag asawa tapos ikaw maglalandi at mag shoshopping kalang, kita mo nga naman ang kapal ng muka mo.

Aiii: Wala saakin ang card cash at password nito na kay bunso, Oo na makapal na mukha ko!


Jonel: Ah! Ah! Ah! Ate… ate.. hindi ako maka hinga  hindi ako makahinga inaataki ako ng highblood ko

Aii at Wawie : Bunso! Ang card cash at passworddddddd  (sigaw)


Took toolaok

Jonel: Ahhhhhhhhhhyy! Ang sama naman ng panaginip ko kaloka.

Ai: Bunso.. bunso.. bumababa kana jan andito si ate mawie luto na ang umagahan baba na dali

Jonel: Ate mawie! 
Wawie: Bunso pasensya na  ‘di ako nakarating sa graduation mo sa grade 6.
Jonel: Ate okay lang yun, basta ligtas at ayos ang ating pamilya

   
Wawie, Jonel at Ai
Nagyakapan…….



Mataas na Paaralan ng Villarica
Villarica Midsayap Cotabato
Filipino-9

­­­­­­­­­­­­
Pangalan: __________________________________                       Baitang/Seksyon: _________
Guro: G. Jonel Catimbang                                                                Iskor: __________

Pangkalahatang Panuto: Basahin at unawaing mabuti ang bawat panuto at katanungan. Maaari lamang gumamit ng tintang itim at asul sa pagsagot.

I. Pagpipili-pili: Piliin ang wastong sagot na naayon sa bawat katanungan. Isulat lamang ang TITIK ng iyong sagot sa patlang na nakalaan sa bawat bilang.

1. Alin sa sumusunod na anyo ng tula na mula sa panitikang hapon.
I. Tanaga               II. Tanka           III. Pantum           IV. Haiku
A. I at II             
B. II at III  
C. II at IV
D. I at III
2. Ano ang kailangang pagsasamahin upang makabuo ng larawang diwa gamit ang kakaunting salita.
A. Ideya at emosyon    
B. Ideya at imahe
C. Emosyon at damdamin
D. Emosyon at imahe
3. Ano ang tawag sa kalipunan ng mga tula ng pinakaunang tanka?
A. Manyushu  
B. Manyoshi
C. Manyoshu  
D. Manyushi
4. Paano binibigkas ang tula ng panitikang hapon?
I. Pasalaysay             II. Paawit               III. Padula                       IV. Pabulong
A. I at III     
B. I, II at III     
C. I at II             
D. II at IV
5. Alin sa sumusunod ang hindi paksain ng tanka.
A. Pagbabago
B. Pag-iisa   
C. Pag-ibig    
D. Kalikasan
6. Tanka: ____pantig ; Haiku: ____pantig.
A. 31; 15         
B. 15; 31         
C. 31; 17        
D. 17; 31
7. Alin sa sumusunod ang pinakamahlaga sa pagbigkas ng taludtod ng haiku.
A. wastong diin                       
B. wastong intonasyon
C. wastong antala
D. wastong tono
8. Parehong may tinatawag na bahagyang pagtigil ang panitikang Hapon at Filipino; ang Hapon:______ ; Filipino:_______.
A. Kiru; Sesura                        
B. Kireji; Kiru             
C. Kiru; Kana
D. Sesura; Kiru
9. Alin sa sumusunod ang wastong hati ng talutod ng haiku?
A. 5-7-5     
B. 7-5-5   
C. 5-5-7              
D. lahat ng nabanggit
10. Sa anong panahon ng panitikang Filipino ang tinaguriang Ginintuang Panahon?
A. Katutubo                
B. Kastila                                
C. Amerikano
D. Hapon

1.______





2.______





3.______





4.______



5.______





6. ______




7. ______




8. ______




9. ______





10.-_   _____








AKO SA NAGLALABANG PUWERSA NG MUNDO
ni: Jonel Catimbang



I.
Nasilayan ko ang mundo,
Na ang oras ay tumatakbo;
Ako’y biglang nanlumo,
Dahil ako’y parating natatalo.

Refrain:
Ito ba ang naglalabang pwersa?
Na hindi mo alam ang resulta?
May matitikman pa bang pag-asa?
Kung ako’y ninakawan na ng ligaya?

Chorus:
Ako sa mundong buhay,
Na may payapa’t lumbay;
Na punong-puno ng kulay,
Ako na handang umalalay.

Lungkot, pighati’t saya,
Ang naglalabang pwersa;
Sa mundo’y may ligaya,
Na may kapighatiang dala

II.
Problema’y aasahang darating,
Huwag biglang dumaing;
Pagkat ako pala’y may kapiling,
Ito ang mga taong nangangalimping.

Refrain:
Harapin ang buhay nang nakangiti,
Problema’y hanapan ng lunggati,
Pagka’t ako ay hindi nakatali,
Sa resonansang di mapagkandili.

Chorus:
Ako sa mundong buhay,
Na may payapa’t lumbay;
Na punong-puno ng kulay,
Ako na handang umalalay.

Lungkot, pighati’t saya,
Ang naglalabang pwersa;
Sa mundo’y may ligaya,
Na may kapighatiang dala.

III
Lungkot at saya ang naglalabang pwersa,
Magalak ako’t tumawa;
Ako ang sa buhay na tagahulma
Ang gabay ko’y si Bathala.

Refrain:
Harapin ang buhay na positibo,
Na parang nanalo ng lotto;
Pagka’t ako pala ang sentro,
Sa naglalabang puwersa.

Chorus:
Ako sa mundong buhay,
Na may payapa’t lumbay;
Na punong-puno ng kulay,
Ako na handang umalalay.

Lungkot, pighati’t saya,
Ang naglalabang pwersa;
Sa mundo’y may ligaya,
Na may kapighatiang dala.


Luhang Nawala!
Ni: Jonel Catimbang

Umupo sa balkonahe si Aling Conching, nag-aabang na umuwi ang kanyang tatlong anak dahil may sasabihin siya sa mga ito. Naghintay siya nang matagal hanggang sa umulan kaya nagluto na lamang siya ng pagkain dahil malapit na ang pananghalian habang nagluluto ng makakain dumating si Salvacion ang kanyang anak na nag-aaral sa kolehiyo  na nasa ika-apat na taon  sa kursong inhenyero.
Matapos magluto ng pananghalian lumabas siya ng kusina at iniisip niya kung ngayon na ba ang tamang panahon para sabihin sa kanyang mga anak na may sakit siyang colon cancer at nasa stage 4 na ito. Nangangamba at naaawa siya sa kanyang mga anak dahil maiiwan niya ang mga ito naisip din ni Conching na hindi pa handa ang mga anak niya na mawala siya dahil si Salvacion ay nag-aaral pa, si Concepcion ay wala pang matinong trabaho at si Brenda ay may sakit.
Nagulat siya nang lumapit si Brenda.
“Nay…Nay…gu…tom…na…ako! sabi nito nang mahina.”
Tulala si Aling Conching sa harap ng kanyang anak ngunit inalog siya ni Brenda kaya bumalik siya sa sinabi ng anak.
“Oo…Oo… anak kakain na tayo, ihahanda ko muna ang pagkain sa mesa” Tiningnan niya ulit ang kanyang anak na si Brenda at naluluha ito.  Naisip niya kung anong mangyayari sa anak kung mawala siya. Habang kumakain sina Conching, Brenda at Salvacion biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito si Concepcion na kung saan ay wala paring mabuting nangyari sa pagbibilang niya ng poste sa kanilang bayan.
“Nay luluwas nalang kaya ako sa Davao, tiyak doon maraming pagpipilian na trabaho para makapagtrabaho na po ako”
 “Anak magtiis ka nalang muna. Hayaan mo na pagbibigyan ka ng Diyos sa iyong kahilingan”.
 Pait, sakit at takot  ang naramdaman ni Conching nang makita ang tatlong anak na kumakain sa kanyang harapan kaya nangingilid ang luha sa kanyang mga mata sabay singhot sa ilong.
Araw ng lunes umalis si Conching sa kanilang bahay para makipagkita sa kanyang doktor. Inaasahan niya na bubuti ang kanyang kalagayan ngunit mas lalo itong lumala at tinaningan siya ng doktor ng dalawang lingo lamang. Halos maubos na ang kanyang naipong pera na iniwan ng kanyang yumaong asawa tanging ang naiwan lamang ay ang lupa nila sa Alamada, 5 ektarya ito at ang tanim ay niyog at saging. Nakatutulong din ang kita nito sa pag-aaral ni Salvacion at pangangailangan nila sa bahay.
Sa bahay nakaupo si Brenda sa harap ng TV at tumatawa nang malakas sabay palakpak ng dalawang kamay. Galit na galit na lumabas ng silid si Concepcion.
“Hoy!!! Baliw anong ginagawa mo? Nakakabingi ka! Napaka-ingay mo”.
“A..te…tumi…ti…ngin… ako…ng…T…V...”
Pinuntahan ni Concepcion si Brenda at hinampas ito sa braso habang niyuyogyog ang katawan ng kapatid”.
“Sabi ko ang ingay mo! Nakakaintindi ka ba? O gusto mo ingungud kita dyan sa T.V. bwesit kang baliw ka”. Sigaw ni Conception.
Umiyak at nanginginig sa takot si Brenda habang tumatakbo papalayo sa kanyang kapatid. Narinig ni Salvacion ang nangyari sa dalawang kapatid at lumabas ito sa silid.
“Ate bakit mo ginawa iyon kay Brenda? Kawawa naman ang bunso natin”. Wika ni Salvacion
“Huwag kang makialam dito kung ayaw mong madamay sa gulo, Ikaw nakita kita kahapon kasama mo naman yong kasintahan mong sugarol”.

Kinabahan si Salvacion baka  isumbong siya ng  kanyang ate sa kanyang ina kaya nagkibit balikat nalang siya at tumalikod papasok sa kanyang silid. Dumating si Conching sa bahay at nanghihina ito, bigla itong umupo sa kanilang sala at tinawag si Salvacion.
“Anak Salvacion! Pakikuha mo ako ng mainum na tubig”. Lumabas si Salvacion at nagmamadaling kumuha ng tubig para sa kanyang  ina ngunit nagtataka si Salvacion kung bakit ito namumutla at nanghihina.
“Nay saan po kayo galing?” Tanong ni Salvacion.
“Diyan lang sa tiyahin mo sa labasan, nagtanong kasi ako kung pwede bang sumali sa kanilang union ng mga Senior Citizen. “Ganun po ba inay.  Sige po mag-aaral mo na ako kasi may pagsusulit ako bukas”.
Sa itaas ng atik sa kanilang bahay si Concepcion ay may hinahanap na bagay hinalungkat niya ang mga karton na puno ng ipis at alikabok hanggang sa may nakita siyang isang “brown envelop” na may nakasulat na Titulo sa gilid nito. Agad na binuksan niya ang “brown envelop” at nakita niya ang tanging makakatulong sa kanyang problema. Naisip ni Concepcion na magagamit niya ito para magkaroon ng pera papuntang ibang bansa.  Bininta ni Concepcion ang natatanging  lupa na para sa kanilang magkakapatid. Isang daang libo ang halaga ng kanilang lupa na ibininta niya at ginamit niya ang pera sa Placement fee pupuntang Canada. Hindi alam ni Concepcion na ang agency na pinagkatiwalaan niya ay isa palang peke, walang kakayahang magpadala ng mga trabahador sa Canada.
Nag-aabang sa labas ng paaralan si Salvacion at naghihintay kay Roman para masabi niya na nagbunga ang kanilang ginawa. Mataas na ang sikat ng araw at halos dalawang oras nang naghihintay si Salvacion hanggang sa maaninag niya ang isang pamilyar na bulto ng katawan ngunit pag lingon niya hindi pala ito ang taong kanina pa niyang hinihintay hanggang sa nawalan na ng pag-asa si Salvacion. Isang araw nabalitaan na lamang niya sa kaibigan nito na sumama pala sa ibang babae si Roman. Nagpupuyos sa galit si Salvacion at lalong kinabahan kung papaano niya sasabihin sa kanyang ina na halos mag-aapat na buwan na ang kanyang tiyan hindi man ito halata ngunit mababakas ang maliit na umbok ng tiyan kung sisiputin nang mabuti.
Makalipas ang isang linggo lalong lumala ang kondisyon ni Conching, napagpasyahan  niya na ito na ang tamang panahon upang  sabihin sa mga anak ang karamdaman bago mahuli ang lahat. Katabi niya ang bunsong anak na si Brenda. Hinimas-himas ni Brenda ang kanyang kamay “Brenda mahal kong anak huwag mong pahihirapan ang iyong mga kapatid maging mabuti at palaging sumunod ka sa kanila”. Mahina niyang sabi na mangiyak-ngiyak.
Nalaman ni Concepcion na niluko at penirahan siya ng kanyang agency parang binagsakan ng langit at lupa si Concepcion sa harap ng establisyemento ng kanyang pekeng agency. Iniisip niya kung papaano niya ito malulutasan laban sa kanyang ina at mga kapatid ang kanyang ginawa sa lupa nila.
Dumating sa bahay si Salvacion at namumugto ang mata galing sa simbahan, doon siya nagpalipas ng sama ng loob kay Roman. Binuhos niya lahat doon at nagdasal. Ito na ang tamang na panahon na sabihin sa ina ang kanyang pagdadalang tao. Naabutan niyang nag-uusap si Brenda at Conching sa sala.
“Nay, may sasabihin po ako sa inyo”. Huwag po sana kayong magalit” mahina niyang sabi at garalgal ang boses.
“Ano iyon anak ko?”
“Si Roman po iniwan ako” nangiyakngiyak na nagsasalita.
“ Bun…tis po ako inay nagbunga po ang ginawa namin” umiyak nang mahina halos na  mawalan ng ulirat si Conching  sa kanyang narinig hindi siya makapagsalita hanggang sa napaupo ito. Biglang dumating si Concepcion at nakita ang ina na nanghihina.
Lumapit si Concepcion sa ina at naglakas loob na sabihin ang ginawang pagbenta ng lupa.
“Nay! May sasabihin po ako”
“ Nay patawad po naibenta ko ang lupa natin.
“Niloko po ako ng agency na binayaran ko! Umiiyak ng malakas.
Nabigla si Salvacion at nilapitan si Concepcion, galit na galit ito.
“Ano! Bininta mo ang lupa natin? Wala ka talagang hiya! Mukhang pera ka, hindi mo lang man ba naisip na kailangan natin yan! Bobo ka talaga, hindi ka nga matanggap-tanggap sa trabaho mo nagpaloko ka pa, ngayon saan tayo pupulutin?
Nagsalita si Brenda sa magkakapatid.
“A…te Sal..vacion. May kalaro na ako yehey, ang saya-saya” sabay talon at palakpak
“Ano sinong buntis?” pasigaw na sabi ni Concepcion
Napaatras si Salvacion na namumutla sa sinabi ni Concepcion.
“Si.. a..te.. Sal..vacion..” sabi ni Brenda na may ngiti sa labi
Biglang hinarap ni Concepcion at hinawakan sa magkabilang braso si Salvacion.
“Wow ang galling mo ah! Kung makapagsalita ka ng bobo sa akin ikaw pala itong mas bobo, akala mo wala kang ginawang kababuyan sa ating pamilya”
Natigilan sa pagbabangayan ang dalawang magkapatid nang marinig si Brenda na umiyak nang malakas at niyakap ang ina. Hanggang sa nagsalita si Conching sa huling pagkakataon.
 “Mga anak mahal na mahal ko kayo huwag niyo pabayaan ang isa’t isa.”
Natulala ang magkakapatid at humagolgol sa pag-iyak.
“ Nay” sabi ng tatlong magkakapatid sabay yakap sa ina.
 Doon nalaman nina Salvacion at Concepcion na ang tunay na kalagayan ng kanilang ina. Awang awa ang dalawa sa kanilang ina. Kung hindi lang sana sila busy sa kani-kanilang buhay sana ngayon ay narito pa ang kanilang mahal na ina. Naisip ng dalawa na mahirap ang walang ina sa buhay.


Hiling ng Pusong Dumaraing
 ni: Jonel Catimbang

Bayan ay nangagsiawit
Nang punong-puno ng galit,
Mamamayang naiipit
Dahil sa g'yerang malupit.

Karimlan ay mananaig,
Sa puso ay maririnig,
Kapighatiang daig,
Dahil sa pag-asang ibig.

Makakamit pa kaya?
Itong pag-asang nasira,
Maibabalik pa kaya?
Kapayapaan ng masa.

Kabataang nagmulat
Sa isang masidhing bayan,
Masasagot ba ng aklat?
Saya ng pusong nasaktan.

Dapat na nating tugunan,
Hibik ng kapayapaan,
Dugo man nati'y dumanak,
Dahil sa g'yerang tumahak.

Henyo nating Pilipino,
Sa mundong pabago-bago,
Ang huhubugin nang husto,
Manaig ang pagkatao.

Itong asal na bangkay,
Sa lupain ay nahukay,
Tayo ay kanyang inakay,
Sa kapayapaang pakay.

Ang tulang Hiling ng Pusong Dumaraing ay nakasentro sa bawat taong may hiling ng kapayapaan, kapayapaang makakamit pa ba o sadyang maglalaho na.
Katanungang sinasambit laban sa pag-asang nagniningning. Pag-asa ang nagbibigay liwanag sa pusong nasadlak sa dusa nang makamit ang kapayapaang hiniling. Hiling sa kapayapaan, ang tinatanaw ng bawat tao subalit ang kanilang puso na parating dumaraing ang nagbibigay nang masalimuot na hangganan ng salitang kapayapaan.