Martes, Oktubre 23, 2018


Hindi “Po” at “Opo”: Kulturang Pagkakakilanlan
 ni: Jonel Catimbang

Nabuhay ang tao ng may sariling pagkakakilanlan, maaaring nakaugat ito sa wika, panitikan, kagawian, paniniwala, tradisyon at kultura. Ang mga ito ay humahabi sa kung papaanong kaparaan sila mamuhay. Sagisag ito ng pagiging natatangi ng bawat tao.
Isang kasabihan ang aking narinig tungkol dito. “Bakit pinagpipilit sa amin ang hindi naman naging amin”. Napagtanto ko na ito pala ay tama’t totoo.  Isang halimbawa nito ay ang pagpasok ng kulturang Tagalog sa kulturang Cebuano, isa rito ang paggamit ng “Po” at “Opo” sa pakikipagtalastasan. Naalala ko pa nga kung papaanong pinagsabihan ako ng aking pinsang Cebuano na ilang taon nang nakisama, nakipagtalastasan at nakipagsapalaran sa pangkat ng Tagalog sa Luzon. Ani pa niya’y “Gumamit ka naman ng opo at po kung magsasalita ka sa mga nakakatanda” tama naman ang kanyang punto sa ibig niyang ipakahulugan sa kanyang sinabi, siunalit may maling punto lamang ang nagbigay sa akin ng liwanag tungkol sa paggamit ng opo at po na hindi kailanma’y ginamit  ko at hindi kailama’y  naging bahagi ng aking kultura.
Oo, alam ko ang salitang paggalang, ngunit ang hindi ko alam ay kung bakit ipinagpipilit sa akin ang hindi ko naman nakasanayan. Bakit ipinagpipilit sa akin ang hindi naman bahagi ng aking pagkakakilanlan. Bakit pa ba ipinagpipilit? Kung ako nama’y may sariling istilo ng pagsasalita na makikitaan naman nang tanda ng paggalang.
Ang punto ko ay huwag ipilit sa akin ang “po at opo” dahil mayroon akong istilo na kakaiba sa pagpapahayag ng aking paggalang, katulad na lamang nito; “Naa diri sa akoa” o “Naa diri sa akoa te” -binibigkas ng mabilis o pabagsak subalit palambing na nakangiti, wala sa aking kultura ang po at opo subalit  malinaw naman ang tono ng pagsasalitang may paggalang o di kaya’y makikita ang paggalang sa paggamit ng salitang te,ya,kol,la at lo.
Isa pa rito, ang komunikasyong berbal na ginagamit ko sa bahay na naging bahagi na ng aking pagkakakilanlan ay ang pagmamano o “amin”. Sinasalamin lamang nito na magalang pa rin ako bilang isang Cebuano kahit hindi ko pa gagamitin ang opo at po ninyo. Isa lamang itong patunay na mayroon akong sariling kultura na kung saan ako lang ang nakakaalam sapagkat ako lang din ang nakakaunawa.
Kumbaga, kahit sabihan pa akong hindi magalang dahil sa hindi paggamit ng po at opo, huwag ka! Ako lang ang nakakaalam kung paano ako naging magalang.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento